Guys, This is the entry of my friend CJ from Davao to the Sarangola Blog Awards. Please like his entry.
|
Filipino - Japanese Friendship |
Ang kamalayan ng bawat indibidwal ay nahuhubog kasama ang mga tao, kapaligiran, kultura at kasaysayan. Bilang isang taga-Mindanao, napakalawak ng scope nito. Nasasama ang mga pook na sinasabing magugulo at alang kapayapaan. Subalit, kailangan nating himay-himayin ang bawat lugar na ito upang malaman ang bawat kuwento at kalagayan nang isang lugar. Gaya ng isang cake, ito ay hinahati at bawat hati ay mayroong disenyong ating maaappreciate. Ito ang kuwento ko – ako si CJ, laking Davao!
Ang heograpikal na pinagkalagakan ng Lungsod ng Dabaw ay nasa timog-silangang bahagi ng bansa. Dito kung saa’y klimang tropikal ang siyang mararanasan; kay sarap itampisaw sa mga naggagandahang mga coastlines na ang puputi ng mga buhangin, kung di naman puti, gray, pero ang pino pa rin. Pagkatapos magtampisaw, maaari ring subukan ang pag-akyat sa mga kabundukan at masilayan ang ganda ng lungsod galing sa ibabaw; napakapresko at luntiang-luntian. Ang maganda pa rito, di dinaraanan ng mga mababagsik na bagyo. Dito rin matitikman ang mga masasarap na prutas gaya ng durian, mangosteen, suha, rambutan, saging at marami pang iba. Ito rin ang naging tahanan ni haring ibon – Philippine Eagle at may buwayang nagngangalang pangil, singlaki ni Lolong ng Agusan.
Ang lungsod na ito ay tahanan rin ng mga Kristiyano, Muslim at mga lumad na tinatayang aabot sa sampung tribo na alang gulo – at ako’y namulat sa lungsod na ito na may ayos at kapayapaan ang bawat tao. Napakakulay ng kulturang masasaksihan sa lungsod na ito at naging inspirasyon ang pagsasama-sama ng mga magkakaibang grupo ang pagkakalikha ng isang masayang pista na kung tawagin ay KADAYAWAN. Subalit, bago naging KADAYAWAN, ang pistang yaon ay alay para sa mga kilalang hari at reyna ng lungsod at iyon ay tinawag na APODUWALI. Ang APODUWALI ay hango sa Bundok Apo, durian at waling-waling na siyang mga popular na mga icons noon hanggang sa ngayon. At dahil di lamang sina APODUWALI ang saklaw ng Dabaw, isinama na rito ang mga taong nagkakabuklod kung kaya’t sumibol ang KADAYAWAN na hango sa salitang dayaw na ang ibig sabihin ay maganda at importante. Ang KADAYAWAN Festival na ito ang siyang naging selebrasyon ng pagpapasalamat sa biyaya ng kalikasan, yaman ng kultura, masaganang ani at mapayapang pamumuhay.
Kaygandang pagmasdan ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng mga tao at ako’y saksi sa dalawampu’t limang taong paninirahan sa progresibong lungsod na ito. Subalit, di natin maikukubli na ang lungsod ay nakaugat pa rin sa lupain ng Mindanao at ang kadalasang balita na ipinapalabas sa mga telebisyon ay giyera sa Mindanao, talamak ang kahirapan at mga lugmok na pamumuhay ng mga tao. Nakakalungkot isipin na ako bilang taga-Mindanao, at taga-Davao, ipinapakita ng mga tao sa MEDIA na ang lugar namin ay salamin ng kahirapan. Ang giyerang nasa kasuluk-sulukan ng Mindanao ay pinapalaki na saklaw buong kapuluan kabilang na ang mga alang giyerang lugar tulad ng sa Davao.
Ang mga pangyayaring yaon, di ko man mababago, ay nagpasimula sa akin upang ikampanya na mapayapa, progresibo at nararapat sa turismo ang lungsod ng Dabaw kahit sa maliit na paraan gaya ng pagbloblog. Dito sumibol ang paglikha ko nitongsilaabdabaw o ang aking pag-aasam na ipakilala ang lungsod at buong rehiyon sa mundo ng blog na aabot kahit saanmang panig ng mundo. Ang iba’y natawa sa ideyang aking naisipan at ang iba naman ay natuwa dahil sa aking adhikain na ala namang bayad.
Teka lang, hinto muna…
Napag-uusapan natin ang tungkol sa mga tao, kapaligiran at kultura ng lungsod, ano naman ang maibabahagi ng lungsod na nauukol sa kasaysayan?
Pinakapopular ang mga lugar dito sa Pilipinas kung saan mayaman ang kasaysayan. Ilagay na natin sa listahan ang Maynila, Cebu, Bohol, Iloilo at iba pang lugar. Mayaman ang mga nasabing lugar sa mga yugtong pananakop ng mga Kastila. Makikita mo ang mga daan-daang taon at naggagandahang simbahan, siyudad sa loob ng siyudad, sentenaryong mga unibersidad, mga antik na imahe, at marami pang iba. Ngunit kung ating iisipin, di lamang mga Kastila ang siyang nanakop sa ating bansa, dumaan rin tayo sa kamay ng mga Hapo’t mga Amerikano. Ano ang punto ko rito? Gaya ng mga nasabing lugar, ang lungsod ng Dabaw ay naging bahagi ng mga yugtong kinabibilangan ng mga Kastila, Hapon at mga Amerikano. Di man lahat ng mga pangyayaring nangyari sa ating kasaysayan ay magaganda, ito ay bahagi pa rin ng ating kasaysayan at mainam na malaman; ito’y magiging sangkap sa pagpapalago ng turismo sa bansa o lungsod. Dito ko hinugot ang aking mga napagtanto ukol sa turismo, sana’y mapalaganap ang yugtong Hapon sa lungsod at nang mahikayat ang mga turista na malaman at tingnan ang mga tagpong ito.
Di ako si Kuya Kim, pero alam mo ba, ang Davao ay dating tinaguriang Davaokuo o little Tokyo ng Pilipinas bago pa man ang ikalawang pandaigdigang sigalot? Ngayon siguro’y alam mo na… Ngunit kukunti lamang ang mga artikulo ukol rito, siguro dahil sa pagkamuhi sa pananakop ng mga Hapon, di gaanong pinalawak ang ukol sa kasaysayang ito.
Ang lungsod ay naging tahanan ng mga Hapones na mga mangangalakal sa katimugang bahagi nito. Kung kaya’t ang ibang pangalan ng mga barangay at kalye ng lungsod ay may mga pangalang Hapon tulad ng Dakudao, Talomo, Mintal, Bago-Oshiro at iba pa. Di lamang sa mga pangalan nakikita ang pagtira ng mga Hapon sa lungsod, may bakas ng pagpapatayo nila ng mga paaralan kung kaya’t dito matatagpuan ang pinakamalaking paaralang Hapon, may mga industriya tulad ng sa abaka at iba pang pang-agrikultura. Sa mga taon ng ikalawang pandaigdigang sigalot, may mga tunnel silang ginawa na hanggang ngayo’y makikita at mapapasok pa na may mga replika ng mga bagay na makikita doon gaya ng armory at mga kulungan ng mga bihag, mga bombang ginamit, pangmedikal na kagamitan, mga mapa at marami pang iba.
Ang mga bagay na ito’y aking nalaman dahil sa aking pagkagustong kilalanin nang husto ang bayang aking kinalakhan. Di ako nabigo, maraming bagay ang aking natuklasan. Di lamang tao, kalikasan at kultura ang bumubuo sa aming lungsod; kasama rito ang makulay na kasaysayang nagnanais maisiwalat at magmarka sa buong mundo. Ito ang mga pagkakataong nagpapakilala sa akin bilang isang advocate ng lungsod lalo na sa turismo, di man ito opisyal, sa puso’t isipan ko, alam ko ang naibahagi ko. Gusto kong sabihin at uulit-ulitin, ang Lungsod ng Dabaw ay saklaw ng Mindanao, ngunit di ito lupa ng putukan kundi ito ang lupang ipinangako kung saan may ayos at kapayapaan ang bawat tao, na hinubog ng panahon na may impluwensya ng mayamang kultura’t kasaysayan.
---